Daniel Anciano
Nalathala sa Filipino Magasin
Nobyembre 10, 1997
Noong nakaraang Mayo 10, ay ginunita ng sambayanang Pilipino ang sentenaryo ng kamatayan ng Supremo Andres Bonifacio. Isandaan taon na ang nakalipas nang ang mgakapatid na Andres at Procorpio Bonifacio ay bitayin (sabi ng ilang palabiro ay sinalvage) sa paanan ng isa samga bundok ng Maragondon, Cavite.
Ang kamatayan ng supremo ay isa sa itinuturing na pinakamatingkad na dungis sa ginintuang Pahina ng Unang Yugto ng Himagsikang Filipino ng 1896-1897. Hanggang sa kasalukuyan ang misteryo ng kamatayan ng magkapatid na Bonifacio ay patuloy pa rin na pinag-uusapan ng mga taong may hilig sa kasaysayan.
Dalawang katipunero ang nagkaroon ng malaking papel sa malagim na kinasapitan ng supremo sa paanan ng bundok ng Maragondon – sila ay sina Daniel Tirona at Mariano Noriel, dalawang pangunahing heneral ni Pangulong Emilio Aguinaldo.
Sa artikulong ito ay ating susundan ang mga sumunod na kaganapan kina Tirona at Noriel at kung papaanong ang kasaysayan ay humatol sa kanila upang matagpuan ng mga sumusunod na lahi ng mga mananalaysan ang dalawang personalidad sa basurahan ng kasaysayan.
DANIEL TIRONA
Ang Panghihiya sa Supremo
Si Heneral Daniel Tirona ay nagsilbing Direktoer ng Digmaan ng Sanggunuang Magdalo bilang kapalit ng kaniyang nakatatandang kapatid na si Koronel Candido Tirona na nasawi sa madugong labanan ng Binakayan noong Nobyembre 11, 1896.
Sa pagdating ni Bonifacio sa Cavite noong kalagitnaan ng Disyembre 1896, si Tirona pa ang naghatid sa supremo mula sa Imus, Cavite patungong San Francisco de Malabon (Bayan ng General Trias, ngayon). Sa nasabing parada si Tirona ay nakasakay pa sa kabayo na nasa kanang paning ng karitelang sinasakyan ng Supremo Andres Bonifacio. Nakabunot pa ang espada ni Tirona at sumisigaw pa sa mga taong nadadaanan ng parada ng "Mabuhay ang Supremo."
Ayon sa pagsasalaysay ni Heneral Santiago Alvares, ang nabanggit na paghahatid at pagsigaw ng pagbubunyi ni Tirona sa supremo ay hindi minabuti ng Sangguniang Magdalo, dahilan ito upang siya ay mapagalitan ng mga kasamahan niya. Bilang pagbabangong puri sa kaniyang mga kasamahan sa Magdalo. Si Tirona ay nagpakalat ng mga mapanirang sulat laban sa katauhan ng supremo.
Labis na ikinagalit ng supremo ang ganitong mga mapanirang sulat, kaya ng magkita sina Bonifacio at Tirona sa San Francisco de Malabon ay tinutukan agad ng baril ni Bonifacio si Tirona. Mapalad na lamang at naawat ng mga taong sa bahay ang supremo sa kaniyang pagpisil ng gatilyo.
Ang pinakamalaki at pinakapopular na panghihiya ni Tirona laban sa supremo ay naganap sa Kumbensiyon ng Tejeros. Pagkatapos na matalo ng sunod-sunod ang supremo sa mga mahahalagang puwesto sa itinatayong Rebolusyonaryong Gobyerno na papalit sa Katipunan, nahalal din sa wakas ang supremo bilang Direktor ng Interior. Sa kabilang dako, ang nasabing puwesto para kay Bonifacio ay tinutulan ni Tirona at iminungkahi ang pangalan ni Jose del Rosario na mas angkop sa puwesto. Sa pagkakataong ito, naging labis na ang pagkamuhi ng supremo at tinutukan ng baril si Tirona. Sa ikawalang pagkakataon ay naging mapalad si Tirona dahilan sa naawat ni Ricarte ang supremo, na nagbigay ng pagkakataon para kay Tirona na mabilis na makatakbo.
Ang Hatol ng Kasaysayan
Pinarusahan ng kasaysayan si Tirona sa dalawang magkahiwalay na pagkakataon. Una ay nang mabawi ng mga Espayol ang Cavite noong 1897 mula sa kamay ng mga rebolusyonaryo. Si Tirona at si del Rosario (na pinagpipilitan ni Tirona bilang kapalit ni Bonifacio) ay nagtungo sa Tanza at buong kaduwagang nakaluhod ma humihingi ng amnestiya sa mga Espanyol.
Noong 1898 ay nagbalik si Aguinaldo mula sa Hongkong at naitatag ang isang bagong pamahalaan. Muli niyang tinawag si Tirona para maglingkod sa pamahalaan bilang heneral ng hukbo ng unang republika. Sa panahon ng Digmaang Filipino-Amerikano, si Tirona ay naatasan na mamuno sa Cagayan bilang gobernador-militar ng nasabing lalawigan.
Ang kaduwagan ni Tirona ay naipakitang muli sa ikalawang pagkakataon. Sa talaarawan ni Dr. Simeon Villa na nakapaloob sa petsang Pebrero 5, 1900, mapait niyang isinalaysay ang mga kawalanghiyaan ni Tirona. Sinulat ni Dr. Villa na ginamit ni Tirona ang kaniyang posisyon sa pamahalaang panlalawigan sa pagmomonopolyo ng mga kalakal na pumapasok sa Cagayan na nagkaloob kay Tirona ng napakalaking pakinabang na pera.
Kabilang sa isinulat ni Dr. Villa sa kaniyang talaarawan ay ang insidente kung saan ang bahay ng isang mayamang taga Tuguegarao, Cagayan ay nilooban ng mga masasamang loob at nilimas ang alahas at salapi. Hindi na nahuli o nakilala ang gumawa ng pagnanakaw. Pagkatapos ng dalawang buwan, ang ilan sa mga alahas na ninakaw sa bahay ng mayamang taga Tuguegarao ay nakitang nakasuot na sa katawan ni Tirona. Dito ay natanto ng mga taga Cagayan kung sino ang tunay na utak ng nakawan.
Sa pagsalakay ng mga Amerikano sa Cagayan, isinisi ng mga taga-roon ang pagbagsak ng lalawigan sa kabuktutan, kaduwagan at kawalan ng kahihiyan ni Tirona. Agad sumuko si Tirona sa mga Amerikano. Nang sumukod si Tirona, nakahanay siya sa harapan at sa pagkakataong ito ay harapang iniinsulto siya ng mga taga Cagayan na nakasaksi sa pagsuko. Sumisigaw ang mga taga Cagayan ng buong pagkutya na nagsasabing si Tirona ay magnanakaw na may pinakamaitim na balahibo, walang karangalan at duwag.
Si Tirona ay nagsilbing isang alila sa kapitang Amerikano na nakadakip sa kaniya. Sa nasabing kapitang Amerikano (heneral si Tirona) si Tirona ay naglingkod bilang tagalinis ng sapatos at tagapaglinis ng opisina.
MARIANO NORIEL
Ang Lagda ng Kamatayan
Pagkatapos ng kumbensiyon sa Tejeros, nagbalak ang supremo na muling I-organisa ang kaniyang puwersa sa pagpupulong na naganap sa casa hacienda sa Naic, Cavite. Sa nasabing pagpupulong kaniyang itinalaga sina heneral Pio del Pilar at Mariano Noriel na na maging pinuno ng hukbong mapaghimagsik (na hiwalay sa Tejeros).
Ngunit ang nasabing pulong ay natuklasan ni Aguinaldo at nakita niya na ang kaniyang dalawang heneral sa paksiyong Magdalo na sina Noriel at Tirona ay kasama sa pagpupulong ni Bonifacio. Ipinatawag ni Aguinaldo ang dalawa at kanilang sinabi na "nilinlang lamang sila ni Bonifacio" at muling nakilahok sa pangkating Magdalo.
Dahilan sa naganap na pagpupulong ni Bonifacio sa Naic ay natanto ng mga Magdalo na ang supremo Bonifacio ay isang tinik sa kanilang lalamunan at banta sa bagong tatag na rebolusyonaryong pamahalaan. Nadakip ang magkapatid na Bonifacio sa Sito ng Limbon, Indang, Cavite, pagkatapos ng isang sagupaan na ikinamatay ni Ciriaco Bonifacio at labis na ikinasugat ng Supremo. Mula sa Indang, dinala ang mga bihag sa Naic, Cavite upang litisin ng tribunal militar na pinamumunuan ni Heneral Mariano Noriel. Ang paglilitis ay nagsimula ng Abril 29, 1897 at inilipat sa Maragondon noong Mayo 4, 1897. Ngunit ang aktwal na paglilitis ay naganap noong Mayo 5, 1897 at ng sumunod na araw ay nakapagpalabas na ng hatol na kamatayan ang tribunal militar.
Nang iharap kay Aguinaldo ang desisyon ukol sa hatol na kamatayan laban sa magkapatid na Andres at Procorpio Bonifacio, nagpalabas si Aguinaldo ng kautusan na nagbabawi ng kaparusahang kamatayan sa magkapatid na Bonifacio kapalit ang kaparusahang pagpapatapon na lamang. Ngunit sina Noriel at del Pilar ang pumilit kay Aguinaldo na hayaan na lamang na manaig ang desisyong iginawad ng tribunal militar "alang-alang sa kapakanan ng himagsikan."
Noong Mayo 10, 1897, si Major Lazaro Makapagal ay ipinatawag ni Heneral Noriel, pinagsama ng ilang tauhan , may iniabot na sulat, inutusan na kunin ang mga preso at dalhin sa bundok Tala. Sinunod ni Makapagal ang utos at dinala ang magkapatid na preso sa kabundukan ng Maragondon. Bago pa man marating ang bundok Tala ay pinilit ni Bonifacio si Makapagal na basahin ang sulat. Nang buksan ang sulat ay natagpuan nila ang ganitong nilalaman.
Major Makapagal,
Sang-ayon sa kauusan ng Sangguniang Pandigma na ginanap sa Maragondon noong Mayo 8 laban sa magkapatid na Andres at Procorpio Bonifacio, na hinatulan na patayin sa pamamagitan ng pagbaril, ikaw ay inuutusan na ipatupad ang nasabing kahatulan.
Ikaw sa pamamagitan nito ay binabalaan na anumang pagpapabaya o kawalan ng ingat na iyong magagawa sa pagpapatupad ng kautuasng ito, ikaw ay mananagot at pasasailalim ng higpit ng mga batas na nakapaloob sa Kodigo ng Hukumang Militar Pang-Espanyol.
Banatayan ka nawa ng Diyos sa maraming mga taon.
(Lagda) M. Noriel
Maragondon, Mayo 10, 1897
Nang mabasa ito ni Makapagal at narinig ito ni Bonifacio ay hindi sila kapwa makapaniwala. Maging ang nakakahigit na ebalwasyon ng paglilitis sa kaso ng supremo ay nauwi sa isang konklusyon na ang mga akusasyon ay higit na hindi kapanipaniwala.
Mapagbirong Wakas
Ngunit mayroong naganap na kabalintunaan sa kasaysayan para kay Heneral Mariano Noriel pagkatapos ng 12 taon. Noong 1909, sa panahon ng pamamahala ng mga Amerikano, si Noriel ay inakusahan ng salang pagpatay kasama ng kaniyang dalawang tauhan na sina Luis Landas (alcalde ng Bacoor, Cavite) at Roman Malabanan.
Noong Marso 23, 1914, hinatulan si Noriel at ang kaniyang mga kasamahan ng parusang kamatayan sa kabila ng hinala ng marami na ang pagkakasangkot ni Noriel sa kasong pagpatay ay gawa-gawa lamang.
Noong Enero 27, 1915, si Heneral Noriel na lumagda ng kautusan ng pagbitay sa magkapatid na Bonifacio ay binitay din sa Piitan ng Bilibid sa Maynila. Katulad ng supremo Bonifacio, namatay si Noriel na hindi niya matanggap ang pagiging matuwid ng hatol ng hukuman.
Napakahusay ng pagbibiro ng kasaysayan, ang lalaking lumagda sa kautusan ng pagbitay kay Bonifacio ay inilakad din ang huling hakbang ng kaniyang mga paa patungo sa andamyo ng bitayan, kasama ng kaniyang dalawang kaibigan.