Saturday, April 5, 2008

MAGKATULAD NA TRAHEDYA SA CAVITE AT CABANATUAN


Daniel Mendoza Anciano

Sa mga mahilig sumubaybay sa mga pangyayari at kasaysayan ng bansang Estados Unidos ng Amerika (USA), ang malagim na kamatayan ng kanilang pangulong sina Lincoln at Kennedy ay parang sinasadya ng mga pagkakataon dahilan sa mga pagkakatulad ng mga detalye sa kanilang buhay at sa panahon ng asasinasyon ng dalawang pangulo. Marami parin ang nag-iisip kung papaano ito nagkaganoon. Sa kabilang dako, hindi na pala tayo dapat tumingin pa sa kaso nina Lincoln at Kennedy ng Estados Unidos para sa ganitong magkakatulad ng insidente ng asasinasyon mayroon din tayong ganitong penomena na natala sa kasaysayan ng Pilipinas.

Panahon na para mapuna na ang kamatayan ng dalawang bayaning sina Andres Bonifacio at Antonio Luna ay mayroong malaking pagkakatulad tingnan, ang mga sususunod na detalye:

Sa kanilang kaarawan - si Andres Bonifacio ipinanganak noong Nobyembre 30, samantalang Si Antonio Luna ay ipinaganak noong Oktubre 29.

Si Andres ang panganay sa anim na magkakapatid at si Antonio naman ang bunso sa pitong magkakapatid.

Ngunit tingnan at pag-aralan pa ang susumunod na datos para tumayo ang inyong mga balahibo:

Una - ang kanilang pangalan ay nagsisimula sa letrang A at sinusundan ng letrang n at pag pinagsama lalabas ang An (dres) at An (tonio).

Pangalawa - ang dalawa ay parehong taga - Maynila. Si Andres Bonifacio ay mula sa Tondo at si Antonio Luna naman ay mula sa Binondo.

Pangatlo - Si Andres na unang nasawi ay may 6 letra sa pangalan samantalang si Antonio na ikalawang nasawi ay may 7 letra sa pangalan

Pang apat - Ang dalawa ay nakarating sa lugar ng kanilang kamatayan dahilan sa inbitasyon ang isa ay sa lalawigan ng Cavite at ang isa ay sa noon ay bayan ng Cabanatuan.

Panglima - Si Andres Bonifacio ay natalo sa pakikipaglaban sa mga Espanyol na naganap sa Kamaynilaan noong panimula ng himagsikang Filipino at si Antonio Luna ay natalo sa pakikipaglaban sa mga Amerikano sa Kamaynilaan sa panimula ng Digmaang Filipino-Amerikano.

Pang anim - Noong si Bonifacio ay nasa Cavite kaniyang sinita si Vicente Fernandes dahilan sa hindi nito pagsunod sa plano sa pag-atake at pagsakop ng Maynila. Sa Cabanatuan ay sinita naman ni Luna niya ang Pangkat Kawit sa Pamumuno ni Pedro Janolinodahilan sa hindi nito pagsunod sa plano ng pag-atake at pagsakop ng Maynila.

Pangpito - Sa panahon ng Unang Yugto ng Himagsikang Pilipino sa Cavite ay hayagang ang ginawang pagtanggi ni Tomas Mascardo na magpailalim sa pamumuno ni Andres Bonifacio. Sa panahon ng Unang Republika ay hayagan din ang ginawang pagtanggi ni Tomas Mascardo na kilalanin ang kapangyarihan ni Antonio Luna bilang isang mataas na heneral ng hukbo.

Pangwalo - Iisang tao lamang ang sentro ng bintang na siyang utak sa likuran ng kamatayan ni Andres Bonifacio at Antonio Luna, ito ay walang iba kundi si Pangulong Emilio Aguinaldo.

Pangsiyam - Ayon kay Emilio Aguinaldo noong mga sumunod na araw na lamang niya nalaman na pinatay si Andres Bonifacio at sinabi rin niya na noong sumunod na araw lamang niya nalaman na pinatay si Antonio Luna. Magkaparehong pahayag sa dalawang magkaibang krimen.

Pangsampu - Pinatay si Andres Bonifacio (1897) sa panahon na ang hukbo na nasa pamumuno ni Aguinaldo ay sinusugod at natatalo ng hukbong Espanyol. Pinatay naman si Antonio Luna (1899) sa panahon na ang hukbong ng Unang Republika ay sinusugod atnatatalo ng hukbong Amerikano.

Panglabing-isa - Si Andres Bonifacio ay pinaghihi-nalaan na nagtatayo ng hukbo na hiwalay at ilalaban kay Emilio Aguinaldo, samantalang si Antonio Luna ay pinaghihinalaan na nag-oorganisa ng isang coup d'etat laban kay Aguinaldo. Kung magkaganoon, ang dalawa ay parehong pinaghihinalaan at inaakusahan ng salang pagtataksil sa pamahalaan at planong pagpatay sa Pangulong Aguinaldo.

Panglabing-dalawa- Bago maganap ang trahedya itinuring na mortal na kaaway ni Andres Bonifacio si Daniel Tria Tirona at sa ilang pagkakataon ay nagkaroon na sila ng konprontasyon at dalawang pagkakataon na si Tirona ay tinutukan ng baril ni Bonifacio (pangalawang pagkakataon na ang pagtutok ng baril kay Tirona sa Kombensiyon ng Tejeros ) isa sa mga mainpluwensiyang tauhan ni Aguinaldo. Sa kaso ni Antonio Luna, nakaaway niya naman ng labis si Felipe Buencamino at sa isang pagkakataon ay simapal pa ni Luna ang nasabing ginoo. Si Daniel Tria Tirona sa pagbagsak ng Cavite ay agad na sumuko sa hukbong Espanyol. Samantalang si Buencamino sa pagbagsak ng Unang Republika ay sumuko sa mga Amerikano.

Panglabing-tatlo - Sa ka kamatayan ng dalawa, ang pangulong Aguinaldo ay pinapayuhan at inuudyukan ( o sinulsulan) ng mga taong malalapit sa kaniya ng mga kaisipan na laban kina Andres Bonifacio at Antonio Luna.

Panglabing-apat - Ang pangulong Aguinaldo ay laging wala o malayo sa lugar na kinamatayan nina Andres Bonifacio at Antonio Luna. Ngunit ang mga tao na nanguna sa pagbitay kay Andres Bonifacio ay si Lazaro Makapagal at ang naguna naman sa pagpaslang kay Antonio Luna ay si Pedro Janolino. Sina Macapagal at Janolino ay mga malalapit na tauhan ng Pangulong Aguinaldo.

Panglabing-lima - nang patayin si Andres Bonifacio, kasama niyang nasawi ang kaniyang kapatid na si Procorpio. Nang patayin naman si Antonio Luna kasama niya si Koronel Francisco Roman.

Panglabing-anim - Ang mga tao sa likod ng hiwalay na pagpatay kina Andres Bonifacio at Antonio Luna ay hindi naparusahan.

Panglabing-pito - Si Andres Bonifacio na unang nasawi ayy pinatanoong buwan ng Mayo (10, 1897) samantalang si Antonio ay pinatay sa buwan ng Hunyo (5, 1899).

Panglabing-walo - Sa bangkay ni Andres Bonifacio at Antoonio Luna ay matatagpuan ang dalawang uri ng sugat ang una ay bunga ng taga ng itak at ang pangalawa ay mula sa punlo.

Panglabing-siyam - sa kamatayan ni Andres Bonifacio ay kasama niya namatay ang kaniyang mga nakakabatang mga kapatid na si Ciriaco (na napatay sa panahon na ipinagtatanggol niya ang kaniyang kapatid habang dinadakip ng mga tauhan ni Aguinaldo sa Limbon) at Procorpio(na nakasama at kasabay na binitay). Sa kaso ni Antonio Luna, namatay ang kaniyang kapatid na si Juan Luna (ang pintor) sa atake sa puso dahilan sa labis na pamimighati sa sinapit na kamatayan ng kaniyang bunsong kapatid.

Pangdalawampu - Pagkatapos na mapatay si Andres Bonifacio nakatikim ng pagkatalo si Aguinaldo at ang huli ay nagmartsa ng mahaba mula Cavite hanggang Biyak na Bato upang takasan ang mga Kastila na humuhuli sa kaniya. Sa Biyak na Bato isinuko ni Aguinaldo ang himagsikan sa isang kasunduang pangkapayapaan. Pagkatapos na mapatay si Antonio Luna, nakatikim muli ng pagkatalo si Aguinaldo at nagmartsa ng mahaba upang matakasan ang mga Amerikano na nagbabalak na humuli sa kaniya. Nagtapos ang martsa sa Palanan, Isabela nang si Aguinaldo ay mahuli ng mga Amerikano.

Pangdalawampu't isa - Noong Disyembre 1897, sakay ng Barkong Uranus patungo ng Hongkong pagkatapos na makipagkasundo sa mga Espanyol umamin si Aguinaldo sa isang mamamahayag Espanyol na siya ang nagpapatay kay Andres Bonifacio. Noong Marso, 1901 bago sumakay si Aguinaldo ng Barkong Vicksburg ay inamin ni Aguinaldo sa mga pangkat ng mga Amerikanong humuli sa kaniya na siya ang nagpapatay kay Antonio Luna.






_________________________________________________________________
1 1

No comments: